Tuesday, August 17, 2021

Gaano kahalaga ang macronutrients?

Naaalala mo pa ba ang ilang aralin tungkol sa nutrisyon noong una itong ituro sa 
elementarya? Halika at tayo ay magbalik-tanaw. 

Ano nga ba ang mga macronutrients at ang kahalagahan nito sa ating katawan? Kung iyong matatandaan, ang mga sustansya ay may dalawang uri: ang macronutrients at micronutrients. Ang macronutrients ay binubuo ng mga sustansya na carbohydrates, proteins, at fats na kailangan ng katawan ng maramihan. Ang micronutrients naman ay binubuo ng mga bitamina at mineral na kailangan ng katawan sa kaunting dami lamang.

Ang tutukuyin natin ngayon dito ay ang macronutrients. Para saan ba ang mga macronutrients at bakit kailangan ito ng katawan ng maramihan?

Unahin natin ang carbohydrates. Ang carbohydrates ay sustansyang nagbibigay ng enerhiya o lakas sa katawan.

Ang carbohydrates ay binubuo ng mga asukal, fibers o himaymay, at starches na 
nakukuha sa mga pagkain tulad ng kanin, tinapay, noodles, lamang-ugat, mais, at asukal. 

May dalawang uri ang carbohydrates: ang complex at simple carbohydrates. Ang asukal ay napapabilang sa mga simple carbohydrates dahil ito ay nasa pinakamaliit na anyo ng carbohydrates, ang glucose. Sa kabilang banda, ang complex carbohydrates naman ay naglalaman ng mas malalaking anyo ng carbohydrates at kailangan pang dumaan sa proseso ng digestion o pagtunaw bago pa ito mapunta sa pinakamaliit na anyo na glucose, at saka pa lamang maa-absorb o magagamit ng katawan. 

Kaya naman mapapansin na mas mabilis ang pagtaas ng blood sugar level kung kumain o uminom ng matatamis na pagkain na mataas sa asukal, habang dahan- dahan naman ang pagtaas nito kung kumain ng mga pagkain na kabilang sa 
complex carbohydrates. Ang protina naman ay ang sustansyang kailangan para sa paggawa at pagkumpuni ng mga nasirang tissues o muscles ng katawan. 

Ito rin ay kailangan para sa paggawa ng anti-bodies ng katawan na tumutulong upang makagawa ng natural na panlaban sa mga mapaminsalang mikrobyo na 
nagdudulot ng sakit.

Ito rin ay kailangan para sa produksyon ng hormones na mahalaga para sa pangkalahatang pagkilos ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Halimbawa nito ay hormones na insulin at glucagon na namamahala sa pag-kontrol ng blood sugar level ng katawan.
Ito ay nakukuha sa mga isda at iba pang mga shellfish gaya ng tahong at talaba, karne tulad ng manok, baboy, at baka, itlog, gatas, seafoods gaya ng hipon at alimango, mga pinatuyong buto gaya ng munggo at mani.

Ang fats naman ay sustansyang nagbibigay rin ng lakas at enerhiya ngunit sa mas mataas na konsentrasyon. 

Bukod dito, ang taba ay nagpapasarap sa lasa ng pagkain at tumutulong sa pag-
absorb ng mga bitaminang A, D, E, at K na natutunaw sa taba. 
Ito ay makukuha sa mga pagkain gaya ng margarina at krema, iba’t bang uri ng mantika, mga taba galing sa hayop, abokado, at gata.

Ngayong nalaman mo na ang mga sustansyang kabilang sa macronutrients, sapat ba ang nakakain mong pagkain na kabilang sa dito?

Ang Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) ay nanguna sa paggawa ng isang rekomendasyon upang ating maging gabay sa pagsigurong nakukuha natin ang mga sustansyang kailangan ng ating katawan

Ito ay sa pamamagitan ng Pinggang Pinoy na may simple at madaling maintindihan na rekomendasyon ng mga tamang dami at uri ng mga pagkain na dapat nilalaman ng ating plato sa bawat pagkain.

Ano ang mangyayari kung kulang ang sustansyang kailangan ng katawan? Gawin nating halimbawa ang maaaring mangyari kung kulang ang sustansyang carbohydrates sa ating katawan.

Ang glucose, na nagmumula sa carbohydrates, ay ang unang pinagkukunan ng enerhiya ng katawan. Ito rin ang pinagkukunan na enerhiya ng ilan sa mga organs ng katawan, gaya ng utak, para sa normal na pagganap at pangkalahatang pagkilos ng katawan. 

Sa oras na may kakulangan sa supply ng glucose, ang katawan ay magsisimulang kumuha ng enerhiya sa protina, na orihinal na kailangan ng katawan para sa pagkumpuni ng mga nasirang tissues o muscles dahil sa araw-araw na pagkilos natin, gaya ng paglalakad, pagtakbo, pagkakaroon ng sugat at iba pa. 

Nirerekomenda ang pag-bawas ngunit hindi ang pagtanggal ng mantika at taba sa pagkain dahil ito ang tumutulong sa pag-absorb ng mga bitaminang natutunaw sa taba. Ibig sabihin, kung wala ito ay hindi maa-absorb ng katawan ang mga nasabi bitamina. 

May kani-kaniyang tungkulin ang bawat sustansya sa ating katawan. Ang mahalaga dito ay ang balance, moderation, at variety sa pagpili at pagkonsumo ng pagkain. 

Kumain ayon lamang sa nirerekomendang dami at pumili ng iba’t ibang uri ng pagkain dahil walang iisang pagkain ang makapagbibigay ng lahat ng sustansyang kailangan ng katawan. 

Pumili rin ng mga pagkain na nagtataglay ng mas maraming sustansya. Maaaring piliin ang brown rice o partially-unmilled rice na nagtataglay ng mas 
maraming bitamina at fiber kumpara sa puting kanin o well-milled rice, o pumili ng whole wheat bread kaysa sa puting tinapay. Huwag umasa lamang sa iilang sustansya, dahil ang lahat ng mga ito ay kailangan 
ng katawan. Siguruhing kumpleto ang iyong macronutrients para sa mas matagumpay na pagkilos ng katawan.

Ang DOST-FNRI ay kasama ninyo sa bagong kaaalaman at impormasyon sa pagkain at nutrisyon na nakabatay sa agham. Jane Jasmine F. Sune DOST-FNRI S&T 

No comments:

Post a Comment