Malayo pa lang ay kitang-kita na ang kulay pulang karatula: S-A-L-E: 50% OFF ON SELECTED ITEMS! Naku! Sinong hindi maeengganyong o mahihikayat na bumili ng mga produktong
ibinebenta na mas mura?
Minsan nga kahit hindi kailangan, mapapabili ka ng biglaan dahil mura.
Madalas ay naka-schedule na ang mga sale ng mga bilihin gaya ng payday, year starter, Valentine’s, summer, rainy days, Christmas, 8.8, 9.9, at iba pa.
Hindi magpapahuli ang sale sa mga pagkain gaya ng Buy 1, Take 1 o di kaya ay less 10 o 20 pesos. Minsan, kapag bumili ka ng gatas ay may libreng asukal o kaya naman kapag biskwit ay may libreng rubbing alcohol.
Ang iba, may libreng pinggan, baunan, o mga kutsara.
Nakikita mo rin ba ito sa mga binibilhan ng pagkain? Napabili ka, ano? Pero naisip mo ba kung bakit sale ang mga pagkaing ito?
Iba-iba ang maaaring dahilan ng pagkakaroon ng sale ng isang produkto. Maaaring isa ito sa naisip na marketing strategy ng isang food manufacturer upang
maipakilala o mas maibenta pa ang kanilang mga produkto.
Maaari rin itong istratehiya upang mas mapalaki ang kanilang benta lalo na sa mga
bumibili ng maramihan.
Karamihan din kasi ng mamimili ay bumibili ng higit sa kailangan kapag mababa ang presyo ng bilihin, gaya ng Buy 4, Get 1 free.
Tandaan lamang na suriing mabuti ang kalidad at kaligtasan ng mga bilihin na naka-sale para hindi masayang ang pinaghirapang pera.
Narito ang ilan sa mga kailangang suriin sa pagbili ng mga pagkaing naka-sale:
1. Kalidad ng mga produkto
Kung naaangkop, maaaring itsek ang kalidad ng mga produktong bibilhin.
Tingnan kung may mga nakatagong nabubulok na bahagi sa mga prutas at gulay.
Tingnan ang kalidad ng laman ng mga sariwang pagkain gaya ng manok, karne, at isda. Ang mga ito ay walang mabahong amoy at may maayos o firmna laman.
Tingnan ang mga tuyong pagkain gaya ng bigas, noodles, at ipa pa. Siguruhing ito’y walang insekto at hindi nagpupulbos.
2. Kalidad ng packaging materials
Ang balat o packaging materials ng mga pagkain ang nagsisilbing proteksyon ng mga produkto laban sa kontaminasyon.
I-tsek ang mga plastic na bumabalot sa mga produkto. Ang mga butas na ito ay maaaring pasukan ng mga insekto na nakakaapekto sa kalidad ng mga pagkain.
Ang mga packaging materials gaya ng karton at mga uri ng tetra packs ay madaling masira at makontamina kapag nabasa.
Suriin ang mga produktong
nakabalot dito at siguruhin na ito ay tuyo.
Para sa mga delatang pagkain, tingnan ang lata at iwasan ang mga DERB o Dented, Expired, Rusted, at Bulging. Ang mga ito ay senyales ng hindi maayos na paghawak ng produkto at may mataas na tyansa ng
kontaminasyon.
Suriin ding mabuti ang mga packaging materials na maaaring tinapalan lamang upang magmukhang lehitimong produkto. Bumili lamang sa mga
pinagkakatiwalaang tindahan upang maiwasan ito.
3. Expiration date
Balewala ang kalidad ng produkto at kaayusan ng kaniyang packaging material, kung ito naman ay expired.
Kung mapapansin sa ilang kilalang tindahan ng tinapay, nagkakaroon ng bawas sa presyo ng mga produkto ilang minuto bago magsara. Ito ay isang paraan upang maibenta ang kanilang produkto bago pa man bumaba ang kalidad ng mga ito.
Ginagawa rin ito ng ilang mga food manufacturer ilang buwan o linggo bago mag-expire ang kanilang produkto sa pamamagitan ng mga sale.
Tingnan ang expiration date at bilhin lamang ito kung makakain bago ang nakasaad ng produkto.
Tandaan na hindi nirerekomenda ang pagkain ng produktong lampas na sa expiration date.
Malaking tulong ang pagbili ng mga pagkain sa mas mura nitong halaga ngunit maging mapagmatyag sa mga senyales ng kontaminado at sirang pagkain.
Mas mahalaga ba ang matitipid sa pagbili ng pagkain kaysa sa kaligtasan ng iyong kalusugan?
Ang DOST-FNRI ay kasama ninyo sa bagong kaaalaman at impormasyon sa pagkain at nutrisyon na batay sa agham. Jane Jasmine F. Sune DOST-FNRI S&T
No comments:
Post a Comment