Isinagawa ang kauna-unahang Kampong-Wika sa Ayta Magbukun noong 5,7,8 Mayo 2025 na nilahukan ng 17 kabataang Ayta Magbukun na nasa edad 10–16. Ginanap ito sa Bahay-Wika ng Ayta Magbukun na matatagpuan sa Brgy. Bangkal, Abucay, Bataan. Layunin ng programang ito na mapataas ang kamalayan at pagpapahalaga ng mga kabataang Ayta Magbukun sa kanilang wika at kultura, maibahagi at maisalin ng mga elder sa mga kabataang Ayta Magbukun ang kanilang wika, tradisyon, at kultura sa pamamagitan ng mga gawain sa Kampong-wika; at madagdagan ang mga kabataang medyo matatas at/o matatas (semi-fluent and/or fluent) sa pagsasalita ng wikang Ayta Magbukun.
Sinimulan ang gawain sa pagpapalista sa mga kalahok ng mga salitang Magbukun na kanilang alam. Ibinalida ito ng elders at ipinaliwanag ang kahulugan ng ilang salita nailista pero hindi naman nauunawaan ng mga bata. Nagsagawa rin ng mga dula-dulaan na nagpapakita na tradisyonal na gawain at pamumuhay ng mga Magbukun. Dinala rin ang mga kalahok sa ilog para ituro ang tradisyonal na paraan ng pangunguha ng pagkain at pagluluto. Ipinaranas din sa kanila ang laruin ang kanilang mga katutubong laro. Ang mga guro ng programang Bahay-Wika at ilang elders ng komunidad ang naging tagapagdaloy ng mga gawain.
Ang Kampong-Wika ay isa sa mga programa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa ilalim ng Sangay ng Lingguwistika at Aplikadong Lingguwistika (SLAL) sa pagpapasigla at papangalaga ng mga nanganganib na wika ng bansa. Katuwang ng KWF sa gawaing ang Provincial Tourism Office ng Pamahalaang Lalawigan ng Bataan. Inaasahan na sa susunod na taon, maisasagawa ito ng KWF sa iba pang komunidad na may nanganganib na wika.
No comments:
Post a Comment