Wednesday, October 27, 2021

Pinoy experts sa dengue, at iba pang mga insektong nagdadala ng sakit, mangunguna sa DOST-BSP Talks

Isa sa malaking suliranin ng bansa ang sakit na dala ng mga peste.  Isa na rito ang dengue na siyang sakit na nagmumula sa mga lamok. Ang ibang insekto naman ay peste sa pananim na nagiging suliranin ng mga magsasaka.  Ang mga pag-aaral na kasalukuyang ginagawa rito, kasama ang pagdebelop ng mga energy-storage materials ng mga kumpanya ang isa sa mga paksang itatanghal ng Department of Science and Technology – Balik Scientist Program (DOST-BSP) Talks sa darating na ika-30 ng Oktubre 2021.  

Ang webinar series na ito ay naglalayong manghikayat ng mga Pinoy scientists na nagta-trabaho sa ibang bansa upang tumulong sa eksperto sa mga suliraning may kinalaman sa agrikultura, pangisdaan at likas na yaman, kalusugan, at sa sektor ng industriya at makabagong teknolohiya. Higit na kailangan ang serbisyo ng mga Pinoy scientists ngayong may kinakaharap tayong pandemya.  

Nais din ng webinar series na magbigay ng komprehensibong impormasyon kung paano maging isang Balik Scientist, makapaghanap ng angkop na host institution at magtakda ng mga gawain na makakatulong sa mga host institutions. Ang unang serye ng webinar ay idadaos sa ika-30 ng Oktubre 2021. 

“Ang mga DOST-BSP scientists natin ang isa sa mga nagsisilbing science frontliners sa paglaban sa pandemya at mga suliraning dala nito,” ayon kay DOST Secretary Fortunato T. dela Pena.  “Ang binabahagi nilang kaalaman ay ang pangunahing tugon sa mga bagong hamon sa bayan.”

Ang unang serye ng webinar ay magtatampok ng mga karanasan ng ilang Balik Scientists upang malaman kung ano ang nag-udyok sa kanila para maging Balik Scientists, pati na rin ang kanilang mga naiambag sa S&T community.   

Makikilala natin si Dr. Divina M. Amalin, isang eksperto sa entomology o pag-aaral ng mga insekto. Dito sa webinar na ito, malalaman natin kung paano siya nakatulong sa mga magsasaka ng cacao at sa Cocoa Foundation of the Philippines sa paggamit ng mga biocontrol agents para maiwasan ang mga problema dulot ng peste na sumisira sa cacao. Mapapakinggan din natin ang kanyang ibang kontribusyon sa De La Salle University sa patuloy na pananaliksik sa biocontrol agents. 

Isa rin sa mga eksperto na kapapanayamin ay si Dr. Thaddeus Carvajal. Ang kanyang field of expertise ay vector biology o pananaliksik sa mga organismong maaring magdulot ng sakit gaya ng lamok na sanhi ng dengue. Ikukuwento niya kung paanong ang kanyang expertise ay mahalaga sa pagsugpo ng sakit gaya ng dengue. Isasalaysay din niya ang mga nagbukas na oportunidad nung siya ay naging Balik Scientist.  

Kasama din si Dr. Lawrence Limjuco, isang eksperto sa material science partikular sa pag-aaral ng mga energy applications ng iba’t ibang materyales at pagdebelop ng mga energy-storage materials. Malalaman natin ang kahalagahan ng kanyang expertise sa pagpapayabong ng edukasyon sa material science at paano ito makakatulong sa socio-development ng ating bansa.   

Pinasisigla sa unang webinar ang ating mga kababayang scientists na nag-ibang bansa ngunit bumalik at nagbibigay serbisyo sa Pilipinas para ibahagi ang kanilang kaalaman at mga kakayahan kahit may pandemya. Ito ay posible dahil sa mga pagbabago sa polisiya at alituntunin ng Balik Scientist Program. Maari nang maging isang Balik Scientist kahit nasa ibang bansa, sa pamamagitan ng remote arrangement at makakatanggap pa rin ng benefits kahit na sa ganitong paraan ng Balik Scientist engagement.    

Makikilala din ang mga makakatulong para maging Balik Scientist. Sila ang mga bumubuo sa pangkat ng Balik Scientist Program sa tatlong DOST sectoral councils, at ang BSP Secretariat sa tanggapan ng Undersecretary for Research and Development na nasa pangunguna ni Usec. Rowena Cristina L. Guevara.

No comments:

Post a Comment