MAKATI CITY—Ipinahayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Fred Pascual ang taos-pusong pasasalamat ng ahensya sa mga miyembro ng Senado sa pagpasa nito ng Senate Bill No. 2021 na nag amyenda sa Republic Act No. 6977 o Magna Carta for Small Enterprises. Sa botong 22 – 0, ang pagsasabatas nito ay magbibigay ng malaking ambag sa hangarin ng ahensya na palakasin at alalayan ang mga micro, small at medium enterprises (MSMEs) upang maiangat ang posisyon ng mga produktong Pinoy sa pandaigdigang merkado.
Bilang pangunahing may-akda at sponsor ng nasabing batas, tao-pusong nagpasalamat si Secretary Pascual kay Senador Sonny Angara at sa mga kasamahan nitong nagsulong upang aprubahan ng Senado ang nasabing batas. Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2021, magiging institusyonal ang Shared Service Facilities (SSFs) na proyekto ng DTI sa pagpapaunlad sa mga maliliit na negosyo sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng access sa mga makinarya, kagamitan, kasanayan, at kalaaman ukol sa iba’t-ibang industriya.
Ang SSF ay proyektong inilunsad sa pagtutulungan ng pribado at pampublikong sektor upang matugunan ang mga pagsubok na hinaharap ng iba’t ibang sektor ng ekonomiya at industriya. Partikular na dito ang kakulangan sa access sa makabagong teknolohiya ng mga maliliit na negosyo. Ito ay makatutulong sa kanila na maiangat ang kalidad ng kanilang mga produkto at maipakilala ito sa pandaigdigang merkado.
Ani Secretary Pascual, "Maraming MSMEs na ang nagbahagi ng kanilang mga kwento ng tagumpay na kung saan isa sa mga instrumento nito ay ang mga makinarya at kagamitang naibahagi sa kanila sa pamamagitan ng SSF. Bukod pa rito, ang SSF ay naging malaking susi sa produktibong paghahanapbuhay ng mga maliliit na negosyo."
Sa kasalukuyan, mahigit kumulang PHP3.9 bilyong piso na ang pondo na nailaan sa programa mula nang magsimula ito noong 2013. Dahil dito, nakapagtatag ng 3,495 na mga pasalidad na kasalukuyan ay nakatulong na sa mahigit 500,000 MSMEs at nakapagbigay ng mahigit 300,000 na trabaho sa ating mga kababayan.
Simula Hulyo 2022, mayroon nang 145 SSFs sa bansa na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit kumulang PHP 150 milyong piso. Ang mga SSFs na ito ay nasa industriya ng produksyon ng abaca, kawayan, cacao, kape, karne, fertilizer, at iba pa. Dagdag pa rito, sa ngayon ay nakapagtatag na ng 16 SSF Fabrication Laboratories (Fab Labs) sa iba't-ibang rehiyon ng bansa. Ang FabLabs ay tumutulong sa mga MSMEs na makagawa ng mga prototype ng kanilang mga disenyo sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.
Malaki ang pasasalamat ng DTI sa Senado sa pagpasa ng Senate Bill No. 2021 na ang pangunahing sponsor ay si Senador Sonny Angara na masugid na nagtrabaho para maisabatas ang Senate Bill No. 2021 na magpapatibay at mag-i-institutionalize sa mga SSFs. Dagdag pa ni Secretary Pascual, “Ngayong naisabatas na ito, makikipagtulungan ang DTI sa iba’t-ibang ahensya upang lalo pang mapalawig ang sakop ng programa at mas matuganan nito ang mga pangangailangan ng mga MSMEs, lalo na sa panahon ng makabagong teknolohiya. Kailangan nilang makasabay sa mga innovations at unique ideas ng mga negosyo abroad para makasabay tayo sa mga bagong trends at mas lumaki pa ang kita nila.”
No comments:
Post a Comment